Kalsada ang saksi sa aking
pagkabata. Ito rin ang humubog sa aking batang katawan. Mga masasayang
karanasan na kalsada lamang ang nagparanas sa akin. Dito ko rin binuo ang aking
mundo- ang mundo ng aking pagkabata. Mundong alam kong hindi pang habambuhay
ngunit pang matagalan sa aking puso.
Sa pagsapit ng hapon, mga kalaro ko’y
tila mga dagang naglalabasan sa kanilang mga lungga. Habang ang iba’y humihilik
pa, kami nama’y pawisan na. Hindi alintana ang pagtakbo ng oras. Hindi rin
alintana ang tiyan na kumakalam na. at higit sa lahat, hindi rin alintana akung
tao pa ba ang itsura namin dahil tila kinabitan na ng gripo ang aming katawan
sa pagtagatak ng pawis. At dahil nga may tindahan kami noon, para bang
obligasyon kong painumin sila kapag nagkauhawan na. Para sa amin, wala kaming
pakialam sa mundo sapagkat gumawa kami ng
aming sariling mundo.
Kung iisa isahin ko ang mga nalaro
ko nung bata pa ako, malamang na tamarin ako sa pagsusulat. sa pagkakatanda ko,
nagsisimula ang lahat sa habulan hanggang mgkapaguran. At kapag nagkasawaan na,
ibang laro na naman ang susubukan. hindi ko na maalala ang ibang laro na
nasubukan ko noon. Pero ang ligayang hatid naman noon ang nagpapabata sa akin
ngayon. Totoong masarap balikan ang mga karanasang iyon. Iyon ang iniisip ko sa tuwing nalulungkot ako. Inaaliw
ang sarili sa pag-iisip ng mga bagay na nangyari sa akin noon habang hawak hawak
ang purol kong lapis.
Maraming dumadating na bagong kalaro kaya’t kami’y tuwang-tuwa. Subalit minsan ang tuwa’y tinatakpan ng lungkot sa tuwing may lilipat na kalaro. At pagkatapos ng mahigit tatlong oras, ayos na ulit. Takbuhan na naman. Tawanan na para bang walang nangyari. Ang sarap maging bata. Wala kang inaalalang problema.
Sa bawat pagsikat ng araw, asahan
mo ang paglubog nito. Tulad ng kanya kanyang pag uwi sa pagsapit ng takipsilim.
Ang mundong aming ginawa ay tuluyan ng naglaho Wala ng habulan. Wala ng
pawisang katawan at higit sa lahat wala na rin akong pinapainom na kalaro. Napalitan na ng libro ang dating bato, goma o
kahoy na pinaglalaruan namin noon. Ang habulan noon, habulan na ng deadline sa project
ngayon.
Ang tawanan ay napalitan na ng mga
seryosong usapan. Ang dating walang alam sa buhay pag-ibig, nagpapalitan na ng
kanya kanyang karanasan. Naisip kong hindi naman nawala nag mundong ginawa namin.
Ito’y nagbihis lamang at naging mapangahas. Hindi ko na kilala ang mga kalaro ko noon. Dati
rati’y walang pakialam sa mga itsura. At ngayon, halos matakpan na ng make-up
ang mga mukha nila. Ang dating mga sanding suot napalitan na ng kakaibang
pananamit. At ang mga duming nakaukit noon sa katawan napalitan na rin ng mga tattoo.
Ibang iba na sila.
Hindi pa nagtagal ang iba kong
kalaro ay pumasok sa mas makamundong pananaw. Ang ilan ay natangay ng sariling
inot ng katawan kung kaya’t tiyan nila’y nagkalaman. Hindi ko rin naman sila
masisisi sapagkat pinili nila ang landas na iyon. Ang dating manika’y napalitan
ng sanggol. Ang dati’y laro- laro’y nagkatotoo na.
Sa aking pag-iisip, napagtanto ko
na maswerte pa rin ako at ang aking mga kalaro. Sapagkat naranasan namin ang
ligayang hatid ng kalsada. Kalsadang aming tinatapakan sa tuwing kami’y aalis. Kalsadang
naging saksi ng amnig pagkabata.- inopagba

No comments:
Post a Comment